Nasawi ang isang 65-anyos na lalaki matapos pagbabarilin sa Purok Kamsa, Brgy. Rosary Heights 11 ngayong gabi ng Huwebes, Abril 30.
Kinilala ang biktima na si Mohammad Kamid Angkay, may asawa at residente ng Mabini Street, Bagua 3 ng lungsod.
Batay sa ulat ng Cotabato City Police Office, naganap ang insidente bandang alas-9:15 ng gabi habang naglalakad ang biktima patungo sa isang pension house kung saan ito nagtatrabaho bilang caretaker.
Sa paunang imbestigasyon, pinagbabaril umano ang biktima sa dibdib gamit ang kalibre .45 na baril, kung saan isang basyo at isang slug ang narekober sa crime scene.
Pinaniniwalaang magkakilala ang biktima at ang suspek matapos umanong magkausap ang dalawa bago ang pamamaril.
Mabilis na tumakas ang suspek patungo sa marshy area sa nasabing lugar at kasalukuyan pang tinutugis ng mga awtoridad.
Isinugod pa ang biktima sa Cotabato Regional and Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Patuloy ang follow-up operation ng mga tauhan ng PS2, MPU, at CMFC habang nagsasagawa rin ng lockdown at pagsusuri ng CCTV footage ang Philippine National Police upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa krimen.

















