Nasawi ang isang 56-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang sakay ng kanyang motorsiklo sa kahabaan ng Cotabato–Davao National Highway sa Barangay Limbo, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, nitong Martes, Hulyo 14.
Kinilala ang biktima na si Dennis Daborbor Pido, residente ng Sinsuat Avenue, Cotabato City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, dakong alas-3:50 ng hapon nang maganap ang insidente. Nakatanggap ng ulat ang mga pulis bandang alas-3:55 ng hapon at agad na rumesponde sa lugar, bago dumating dakong alas-4:00 ng hapon.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na nag-iisang bumibiyahe ang biktima sakay ng isang Honda CRF 300 motorcycle na may plakang 880MTI nang umano’y sundan siya ng mga suspek na sakay din ng isa pang motorsiklo. Pagsapit sa naturang lugar, pinaputukan umano ng mga suspek ang biktima gamit ang maikling baril bago tumakas patungong Cotabato City.
Narekober ng mga rumespondeng pulis sa pinangyarihan ang apat na basyo ng bala at isang deformed na bala. Agad namang isinugod ng mga awtoridad ang biktima sa Cotabato Sanitarium and General Hospital upang malapatan ng lunas subalit kalaonan ay binawian din ng buhay.
Humingi na rin ng tulong ang pulisya sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa masusing pagproseso sa pinangyarihan ng insidente.
Patuloy ang follow-up investigation at hot pursuit operation ng mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang mga suspek. Inaalam pa rin ang motibo sa pamamaril.

















