Isang lalaki ang sugatan matapos pagbabarilin habang nakaupo sa kanyang motorsiklo sa Barangay Magsaysay, Parang, Maguindanao del Norte kaninang alas-10:10 ng umaga, Abril 21, 2026.
Kinilala ang biktima na si Macacua Diocolano Ayob, residente ng Barangay Polloc ng nasabing bayan.
Itinuturong suspek sa insidente si alyas Datu, residente ng nasabing bayan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naghihintay umano ng pasahero ang biktima nang bigla na lamang lapitan at pagbabarilin ng suspek gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Agad na isinugod ang biktima sa Iranun District Hospital bago inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center para sa mas masusing gamutan.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng bala, dalawang fired bullets, at dalawang piraso ng bullet fragments.
Isinailalim na sa pagsusuri ng Crime Laboratory ang mga ebidensya para sa ballistic examination.
Patuloy naman ang follow-up investigation at hot pursuit operation ng mga awtoridad laban sa tumakas na suspek.

















