Naglabas ng opisyal na pahayag ang Pamahalaang Lokal ng Polomolok kaugnay ng insidente sa Barangay Landan na naging laman ng social media, kung saan sangkot ang mga katutubo at ang kompanyang Dolefil hinggil sa usapin ng lupa.

Ayon sa LGU, personal na nakipagdayalogo ang alkalde kasama ang mga lider-barangay at ang Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) upang makausap ang mga kabilang sa tribu gayundin ang mga kinatawan ng Dolefil. Binigyang-diin ng alkalde na kinikilala ng lokal na pamahalaan ang karapatan ng mga katutubo na ipaglaban ang kanilang ancestral land, subalit nanawagan din itong panatilihing maayos ang sitwasyon habang nagpapatuloy ang negosasyon.

Partikular na hiniling ng LGU na huwag gambalain ang likas na agos ng ilog, dahil malaki ang magiging epekto nito sa operasyon ng Dolefil na nakasalalay din ang kabuhayan ng maraming manggagawa.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang ang bahagi ng lupang pinagtatalunan ay pag-aari umano ng isang dating alkalde mula sa karatig-lungsod.

Tiniyak ng LGU Polomolok na mahigpit nilang binabantayan ang lahat ng kaganapan at nanindigan silang hindi kailanman kukunsintihin ang anumang uri ng karahasan, gayundin ay hindi gagamit ng dahas bilang paraan upang mapilit ang sinuman na sumunod.