Tiniyak ng mga lider ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sina Interim Chief Minister Murad Ebrahim at Education Minister Mohagher Iqbal na walang nakikitang balakid sa pagsasagawa ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa darating na Oktubre 13, 2025.
Sa panayam, iginiit ni Minister Iqbal na ang mga hamong kinakaharap ng rehiyon, partikular sa usapin ng seguridad, ay “tolerable” at hindi sapat na dahilan upang ipagpaliban ang eleksyon. Aniya, gaya ng midterm elections noong Mayo, may mga naitalang karahasang insidente ngunit itinuturing nila itong mga “isolated cases” lamang.
Kinumpirma naman ni Ebrahim na buo ang kanilang paniniwala na matutuloy ang halalan. Wala aniya silang nakikitang malalaking hadlang para hindi maisakatuparan ang isang demokratikong proseso sa rehiyon.
Kaugnay nito, nagtungo kahapon sina Ebrahim at Iqbal sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) upang makipagdayalogo kay Chairman George Erwin Garcia. Sa pagpupulong, siniguro ni Garcia na itutuloy ang halalan sa BARMM, ngunit para lamang sa 73 parliamentary seats.
Ipinaliwanag ng COMELEC na nananatiling suspendido ang re-apportionment ng natitirang 7 seats mula sa Sulu, dahil sa patuloy na legal at teknikal na usapin.
Sa kabuuan, positibo ang MILF at UBJP na matutuloy na ang halalan—isang mahalagang hakbang patungo sa mas matibay at makataong pamamahala sa rehiyon ng Bangsamoro.