Nagbigay ng katiyakan ang pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao del Norte na nakahanda ang lahat ng kanilang serbisyo para sa maayos at ligtas na pagsasagawa ng BARMMAA Meet 2026.

Ayon kay Atty. John Rangal Nadua, Legal Officer ng probinsya, buo ang suporta ng pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao del Norte sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE na siyang pangunahing ahensyang nangangasiwa sa regional meet.

Aniya, nakaantabay ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang ang health services at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok.

Partikular na nakatalaga ang health services sa Tumawis Gymnasium habang ang mga rescuers ay naka-deploy sa Parang Central Elementary School, bukod pa sa iba pang venues na may kanya-kanyang personnel.

Bukod dito, nakaalalay rin ang fire services at kapulisan bilang bahagi ng kabuuang seguridad at kaayusan ng aktibidad.

Gayunman, ikinalungkot ng pamahalaang panlalawigan ang pagpanaw ng isang atleta mula sa Schools Division ng Lamitan.

Dahil dito, agad na nagbigay ng direktiba ang gobernador ng Maguindanao del Norte upang maglaan ng financial assistance sa naulilang pamilya, na personal na ihahatid ng kanilang kinatawan sa Lamitan.

Kasabay nito, nagpaalala rin ang opisyal sa mga student-athletes, coaches, at officiating personnel na mag-ingat lalo na sa matinding init ng panahon.

Binigyang-diin ni Nadua na bagama’t MBHTE ang lead agency sa nasabing regional meet, nananatili ang probinsya bilang katuwang sa implementasyon at patuloy na naghihintay ng karagdagang direktiba upang masiguro ang isang matagumpay at makabuluhang BARMMAA Meet 2026.