Magdadagdag ang National Government ng P20 milyong karagdagang tulong pinansyal para sa rehabilitasyon ng mga komunidad sa South Cotabato na naapektuhan ng magkakasunod na lindol.‎‎Inanunsyo ang karagdagang pondo ng Office of the Special Assistant to the President (OSAP) sa isinagawang pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan at pagsasara ng ika-27 T’nalak Festival.

‎‎Sa mensahe ni OSAP Undersecretary Athalia B. Leong, na kumatawan kay Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr., sinabi nitong naisakatuparan ang paglalaan ng karagdagang pondo sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan nina South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, at ng OSAP kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.‎‎

Ayon kay Leong, ang karagdagang ayuda ay bahagi ng patuloy na suporta ng administrasyong Marcos sa mga lokal na pamahalaan at mga komunidad na naapektuhan ng mga kalamidad.‎‎

“Magdadagdag po ng P20 million na karagdagang tulong ang pamahalaan nasyunal para sa mga nasalanta ng lindol sa probinsya,” Leong said.

‎‎Aniya, maglalaan ang pamahalaang nasyunal ng dagdag na P20 milyon bilang tulong sa mga residenteng sinalanta ng lindol sa lalawigan.‎‎

Binigyang-diin din ni Leong na kinikilala ng OSAP ang South Cotabato bilang mahalagang katuwang sa pagpapalakas ng mga komunidad at pagpapabuti ng paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan, dahilan upang maisulong ang karagdagang suporta para sa mga naapektuhang residente.‎‎

Kasabay nito, pinuri rin niya ang pamahalaang panlalawigan dahil sa pagkakaisa at kooperasyon nito sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan.‎‎

Dumalo rin sa programa si Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof Macacua na nagpahayag ng kahalagahan ng pagkakaisa at matatag na ugnayan ng mga komunidad sa Mindanao.‎‎

Ayon kay Macacua, sumisimbolo ang telang T’nalak sa pagkakaisa sa gitna ng pagkakaiba-iba ng kultura, isang adhikain na nais ding maisulong sa buong Mindanao sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang komunidad.‎‎

“This is also the story of South Cotabato, the story we aspire to write across Mindanao,” Macacua said.‎‎

Umaasa rin aniya na lalo pang mapapalakas ang ugnayan ng Bangsamoro at South Cotabato sa pamamagitan ng mga programang magbibigay ng pangmatagalang benepisyo sa mga susunod na henerasyon.‎‎

Ang karagdagang P20 milyong ayuda ay inaasahang makatutulong sa patuloy na rehabilitasyon ng mga lugar at residenteng naapektuhan ng lindol at iba pang kalamidad sa South Cotabato.‎