Magkakaroon ng emergency power interruption sa buong Cotabato City at malalaking bahagi ng Maguindanao del Norte, ilang lugar sa Maguindanao del Sur, Cotabato Province, at Special Geographic Areas ng BARMM ngayong Linggo, Mayo 10, 2026.
Batay sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, magsisimula ang power interruption alas-7 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
Kabilang sa maaapektuhan ang buong coverage area ng Cotabato Light and Power Company at Cotabato Electric Cooperative PPALMA o COTELCO-PPALMA, gayundin ang Capiton at Simuay substations ng Maguindanao Electric Cooperative o MAGELCO.
Ayon sa NGCP, isasagawa ang emergency shutdown ng Kibawe-Sultan Kudarat 138kV Line upang agarang maisaayos ang napinsalang conductor strands sa pagitan ng Tower 125 at 126 sa Kibawe-Kabacan segment.
Nilinaw naman ng NGCP na ang eksaktong mga lugar na maaapektuhan ay nakadepende sa assessment ng mga electric cooperatives at distribution utility.
Tiniyak din ng grid operator na gagawin nila ang lahat ng hakbang upang maibalik agad ang suplay ng kuryente sa lalong madaling panahon o ayon sa itinakdang oras.

















