Muling pinahintulutan ng lokal na pamahalaan ng Cotabato City ang pagpapatuloy ng mga klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod kasunod ng isinagawang paunang pagsusuri sa kaligtasan ng mga gusali matapos ang malakas na lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Mindanao.

‎‎Batay sa Memorandum Circular No. HR No. 26-135 na inilabas ni City Mayor Mohammad Ali C. Matabalao, epektibo agad ang pagbabalik ng regular na klase matapos matukoy ng mga kinauukulang ahensya na ligtas gamitin ang mga pasilidad ng paaralan.‎‎

Kabilang sa nagsagawa ng inspeksyon ang Office of the City Engineer, City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang frontline agencies.

Ayon sa kanilang paunang assessment, ang mga gusali ng paaralan na nasuri ay nananatiling angkop para sa pagdaraos ng mga klase.‎‎

Gayunman, sinabi ng mga awtoridad na magpapatuloy ang monitoring at validation activities upang matiyak ang patuloy na kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan.‎‎

Pinayuhan naman ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat sa mga kinauukulang tanggapan ang anumang senyales ng pinsala o panganib sa mga istruktura.‎