Kinondena ni Cotabato City Mayor Bruce Dela Cruz Matabalao ang umano’y pag-atake sa convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sa Barangay Dulangan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Sa inilabas na pahayag ni Matabalao, sinabi nitong walang lugar sa Bangsamoro ang anumang uri ng karahasan na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga tao.

Nauna rito, dumalo umano si Macacua sa General Assembly ng Bangsamoro Federalist Party sa Barangay Gambar, Kabuntalan, Maguindanao del Norte, kung saan nanumpa siya matapos italaga bilang Party President at Chairman.

Sa kanyang pagbabalik sa Cotabato City, dito umano naganap ang pag-atake sa convoy sa Barangay Dulangan.

Nanawagan si Matabalao sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing, patas at malinaw na imbestigasyon upang matukoy ang tunay na pangyayari, makilala ang mga responsable at mapanagot ang mga ito sa ilalim ng batas.

Hinimok din ng alkalde ang publiko na manatiling kalmado at iwasan ang haka-haka, walang basehang paratang at agarang paghusga habang wala pang kumpletong resulta ng imbestigasyon.

Ayon kay Matabalao, mahalagang mapangalagaan ang kapayapaan sa Bangsamoro, lalo’t matagal nang nararanasan ng mga mamamayan ang epekto ng karahasan at ipinaglalaban ang mapayapang paraan ng paglutas sa mga hindi pagkakaunawaan.

Samantala, nauna nang naiulat na ligtas si Chief Minister Macacua at ang kanyang mga kasama matapos ang insidente.