Isa-isa nang sinagot ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao sa pamamagitan ng isang open reply to statement letter ang mga naunang pahayag ni Vice Mayor Butch Abu kahapon hinggil sa mga katanungan nito hinggil sa iringan ng departamento ng ehekutibo at lehislatura sa siyudad.
Inilabas din ng alkalde sa naging open reply nito sa kanyang bise ang naging gastos ng ehekutibo ngayong 2024. Kasabay naman nito, umapela si Matabalao sa Sangguniang Panlungsod at kay Abu na bigyang respeto at dignidad ang mga ipinapatawag na resource persons mula sa kanyang departamento na dadalo sa mga patawag at pagdinig nito, pakinggan ang kanilang mga paliwanag at intindihin ito.
Ani Matabalao, bilang isang punong ehekutibo o LCE, nasasaktan ito sa tuwing malalaman niya na may tinataasan ng boses, hindi pinakikinggan ang paliwanag at kinikwestiyon ang kanilang kapasidad at kakayahan na pamunuan ang kanilang pwesto.
Sa huli sinabi ni Matabalao na ang naturang sagot nito kay Abu ang magsisilbi na ring huli na pahayag at paliwanag sa ngalan ng executive department sa Sangguniang Panlungsod.
Hinamon naman ni Matabalao ang bise alkalde na desisyunan na anya ito ng Approved o Disapproved, para sa kapakanan ng lahat at sa ngalan ng serbisyo publiko.