Tila naubos na ang pasensiya ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao kaugnay ng matagal nang isyu ng mga iligal na terminal sa lungsod.
Sa kanyang isinagawang Facebook Live ngayong araw, diretsahan nitong sinagot ang mga reklamo at ingay mula sa ilang sektor ng transportasyon na apektado ng kampanya kontra iligal na terminal.
Giit ng alkalde, naglabas na siya ng memorandum sa Business Permits and Licensing Office (BPLO) na nagbibigay pagkakataon sa mga operator ng iligal na terminal na makapagsumite ng kinakailangang mga dokumento para ma-legalisa ang kanilang operasyon.
Gayunman, marami umano sa mga ito ang hindi tumupad sa panawagan.
Tinuligsa rin ni Matabalao ang isang opisyal ng barangay na umano’y nag-uudyok sa mga driver na muling bumalik at magtipon sa mga ipinagbabawal na terminal.
Aniya, dapat nang itigil ang ganitong klaseng pag-uudyok na maaaring magdulot ng kaguluhan at pagsuway sa batas.
Hindi rin pinalampas ng alkalde ang isang radio reporter na inakusahan niyang hindi patas sa pag-uulat tungkol sa isyu. Ayon kay Matabalao, mahalagang gampanan ng media ang tungkulin nito nang may balanse at integridad, lalo na kung may kinalaman sa mga isyung pangkomunidad.
Sa huli, muling nanawagan si Mayor Matabalao sa mga operator at driver na makiisa sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga rekisito ng LGU.
Dagdag niya, ang pagtutulungan at hindi paglalaban ang susi upang magpatuloy ang kabuhayan ng lahat at mapanatili ang kaayusan sa lungsod.