Pormal nang nagtapos ang misyon ng mga kasundaluhan ng 75th Infantry (MARAUDER) Battalion na nagmula sa Surigao del Sur sa kanilang deployment sa Bangsamoro matapos ang pagtulong sa pagpapanatili ng seguridad sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.

Isinagawa ang send-off ceremony kahapon Nobyembre 2, 2026, sa Old Capitol, Barangay Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, sa pangunguna ni 601st Infantry (UNIFIER) Brigade Commander BGen. Gremel B. Brual.

Kabilang sa naging tungkulin ng 75th Infantry Battalion, sa pamumuno ni Lt. Col. Earl C. Pardillo, ang pagtulong sa pagtiyak ng maayos at ligtas na halalan noong Setyembre 14, katuwang ang 1st Mechanized Infantry (LAKAN) Battalion ng Philippine Army.

Bilang pagkilala sa kanilang serbisyo, ginawaran ang batalyon ng plake at mga medalya. Pinuri rin ni Brual ang ipinakitang propesyonalismo at dedikasyon ng mga opisyal at tauhan nito, kabilang ang naging ambag sa pagpapanatili ng seguridad sa inaugural session ng halal na Bangsamoro Parliament.

Samantala, tiniyak ng 601st Infantry Brigade na magpapatuloy ang pakikipagtulungan nito sa mga lokal na pamahalaan at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Maguindanao del Sur.