Nagtipon ang humigit-kumulang 50 lider-tribal at kinatawan mula sa iba’t ibang barangay sa Special Geographic Area (SGA) sa isinagawang Tribal Assembly noong Oktubre 28, 2025 sa Barangay Kitulaan.
Dumalo sa pagtitipon ang mga kinatawan mula sa Barangay Tamped, Simbuhay, at Simone sa Old Kaabakan, Barangay Nalapaan sa Malidegao, at Barangay Kitulaan sa Kapalawan.
Binuksan ang asamblea sa pamamagitan ng tradisyunal na ritwal na pinangunahan ni Midted Welber Saliling ng Erumanen ne Menuvu Indigenous Political Structure. Sinundan ito ng pambungad na mensahe ni Kapalawan IPMR Rodolfo Palawan at pagbati mula kay Midted Saliling.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga isyu sa pamahalaang katutubo, partisipasyon sa pulitika, at pagpili ng mga kinatawan sa ilalim ng Non-Moro Indigenous Peoples (NMIP) Sectoral Representatives.
Ayon kay Benito R. Algan, Jr. ng Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs (MIPA), bahagi ito ng Indigenous Peoples Governance and Leadership Support Program (IPGLSP) ng ministeryo na layong palakasin ang kaalaman ng mga lider-tribal sa proseso ng pamumuno.
Ipinaliwanag naman ni Rosanne M. Imperial, Chief of Program and Operations ng MIPA, ang mahahalagang probisyon ng Bangsamoro Indigenous Peoples’ Act of 2024, habang si Titay Ble’yen Allan Ulobalang ay nagbigay ng oryentasyon ukol sa Guidelines in the Selection of NMIP Sectoral Representatives to the Parliament.
Sa pagtatapos, nagkaisa ang mga lider-tribal na ipagpatuloy ang konsultasyon at pagpapatibay ng kanilang pamahalaang katutubo sa ilalim ng Erumanen ne Menuvu Indigenous Political Structure.

















