Pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) – Sulu Provincial Office, Philippine National Police (PNP), at Philippine Army ang nagsagawa ng operasyon upang sirain ang isang plantasyon ng marijuana sa Barangay Pitogo, Kalilangan Caluang, Sulu noong Pebrero 21, 2025.
Ayon kay Director Gil Cesario P. Castro, tinatayang 11,950 na ganap nang lumaking halaman ng marijuana ang narekober mula sa isang 1,950-square-meter na sakahan.
Batay sa pagtataya ng National Average Value ng Dangerous Drugs Board (DDB), aabot sa Php 10,277,000 ang kabuuang halaga ng mga tanim. Natukoy na isang indibidwal na kilala bilang alyas Mahdi ang may kagagawan ng iligal na taniman, ngunit hindi siya naabutan ng mga otoridad sa operasyon.
Upang maiwasan ang anumang posibleng paggamit o pagbebenta, agad na sinunog at winasak ang mga nakumpiskang tanim sa mismong lugar. Samantala, nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga responsable sa pagpapatakbo ng taniman.
Bahagi ang operasyong ito ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.