Nagdaos ng coordination meeting ang 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army kasama ang mga opisyal ng Moro Islamic Liberation Front o MILF at iba pang peace partners bilang bahagi ng paghahanda sa 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections.
Isinagawa ang pulong kahapon August 5, sa Headquarters ng 33rd Infantry Battalion sa Barangay Salunayan, Midsayap, Cotabato. Pinangunahan ito nina 602nd Brigade Commander Brigadier General Ricky P. Bunayog at 33rd Infantry Battalion Commander Lt. Col. Germen T. Legda.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan ng MILF, Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities o CCCH, Ad Hoc Joint Action Group o AHJAG, Philippine National Police, Ministry of Public Order and Safety, at iba pang katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Tinalakay sa pulong ang pagpapalakas ng koordinasyon ng iba’t ibang sektor upang matiyak ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng Bangsamoro Parliamentary Elections. Kabilang sa mga napag-usapan ang presensya ng mga armadong grupo, kampanya laban sa ilegal na droga sa loob ng mga komunidad ng MILF, mga umiiral na isyu sa kapayapaan at seguridad, at iba pang usaping may kaugnayan sa nalalapit na halalan.
Nagpahayag din ng suporta ang mga dumalo sa patuloy na pagtutulungan ng militar, kapulisan, MILF, at iba pang stakeholder upang mapanatili ang kapayapaan, maiwasan ang kaguluhan, at matiyak ang isang ligtas, malaya, at kapani-paniwalang halalan sa Bangsamoro.

















