Nakatanggap ng kabuuang P60 milyon na tulong pinansyal ang 11 munisipalidad sa lalawigan ng Maguindanao del Sur matapos ang malawakang pagbaha na dulot ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) noong Oktubre 2025.

Ipinagkaloob ang pondo sa ilalim ng Tugon ng Pangulo Special Financial Assistance Program ng administrasyon ni Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng Office of the Special Assistant to the President (OSAP) na pinamumunuan ni Antonio F. Lagdameo Jr..

Ayon kay Lagdameo, layunin ng programa na makapaghatid ng agarang suportang pinansyal sa mga lokal na pamahalaang apektado ng kalamidad upang mapabilis ang kanilang pagbangon at matugunan ang agarang pangangailangan ng mga residente.

“Nanatiling prayoridad ng pamahalaan na maihatid agad ang tulong sa mga komunidad upang makapagsimula silang muli at maibalik ang kaayusan matapos ang pinsala ng kalamidad,” pahayag ni Lagdameo.

Isinagawa ang simpleng turnover ceremony sa Davao City kung saan personal na tinanggap ng mga alkalde ang kani-kanilang tseke.

Kabilang sa mga nakatanggap ng tulong ang Buluan, Datu Montawal na nakatanggap ng P10 milyon, Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, Mangudadatu, Pagalungan, Paglat, Rajah Buayan, Gen. S.K. Pendatun, Sultan sa Barongis, at Shariff Saydona Mustapha.

Ayon sa mga opisyal, maaaring gamitin ng bawat lokal na pamahalaan ang naturang pondo batay sa kanilang diskresyon upang makatulong sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha at sa rehabilitasyon ng mga nasirang imprastruktura.

Ang pagpapalabas ng pondo ay isinagawa matapos hilingin ni Esmael “Toto” Mangudadatu ang agarang ayuda para sa mga apektadong munisipalidad sa kanyang distrito.

Layunin ng Tugon ng Pangulo Program na maghatid ng mabilis na tulong pinansyal sa mga lokal na pamahalaang tinamaan ng kalamidad bilang bahagi ng programang “Bagong Pilipinas” ng administrasyon.