Nakasaad sa umiikot na liham mula kay BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua na inaatasan si MBHTE Minister Mohagher Iqbal na magsumite ng irrevocable resignation kaugnay ng findings ng Commission on Audit Special Audit Team laban sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE.‎‎

Batay sa nilalaman ng dokumento, binigyan umano si Iqbal hanggang sa pagtatapos ng office hours ngayong Lunes, Mayo 18, 2026 upang magsumite ng kaniyang resignation.

‎‎Nakasaad din sa liham na kung hindi ito maisusumite sa itinakdang oras, siya ay “deemed resigned” o ituturing na wala na sa kaniyang posisyon bilang MBHTE Minister.

‎‎Kabilang sa mga binanggit sa liham ang umano’y procurement deficiencies, delayed delivery ng ilang kagamitan, at iba pang isyung nakita sa procurement transactions ng MBHTE base sa audit findings ng COA.‎‎

Samantala, sa hiwalay na liham na may petsang Mayo 16, tahasang tumanggi si Iqbal na magbitiw sa puwesto.‎‎

Iginiit ni Iqbal na preliminary pa lamang ang audit findings at wala pang naisusumiteng pormal na kaso o criminal investigation laban sa kanya.‎‎

Binigyang-diin din nito na hindi siya pumapayag na ituring na “deemed resigned” at mananatili siya sa kaniyang posisyon hangga’t hindi siya naaalis sa pamamagitan ng tamang proseso at naaayon sa batas.‎‎

Ayon pa kay Iqbal, ang pagbibitiw sa gitna ng nagpapatuloy na audit ay maaaring mabigyang-kahulugan bilang pag-amin ng pagkakasala kaya nais umano niyang harapin ang imbestigasyon upang linisin ang kaniyang pangalan.‎