Nakikiisa si Member of Parliament Atty. Naguib Sinarimbo sa pagdiriwang ng Eid’l Adha at hinikayat ang publiko na alalahanin sa panalangin ang mga nangangailangan, may karamdaman, at mga nakararanas ng iba’t ibang uri ng pagsubok at pang-aapi.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Sinarimbo ang kahalagahan ng pag-aalay ng panalangin para sa mga nagdadalamhati, mga tahimik na humaharap sa mabibigat na suliranin, at mga patuloy na naghahanap ng pag-asa at kaginhawaan.
Ipinanalangin din nito na nawa’y pagkalooban sila ng Allah ng lakas, habag, ginhawa at kapayapaan sa gitna ng kanilang pinagdaraanan.
Ayon pa kay Sinarimbo, mahalagang magsilbing pagkakataon ang pagdiriwang ng Eid’l Adha upang higit na mapalalim ang diwa ng pagtutulungan at malasakit sa kapwa, lalo na sa mga higit na nangangailangan ng suporta.
Kasabay nito, nagpaabot siya ng pagbati sa sambayanang Muslim sa pagdiriwang ng Eid’l Adha at panalangin para sa kapayapaan at pagkakaisa ng komunidad.

















