Humingi ng paumanhin si MP Atty. Lanang T. Ali Jr. sa ilang opisyal at mamamayang Bangsamoro na posibleng nasaktan sa kanyang naging social media post.
Ayon kay Ali, ang naturang pahayag ay bahagi lamang ng kanyang personal na pananaw sa isang isyu.
Gayunman, tiniyak ng mambabatas na siya ay nananatiling maingat bilang isang abogado at sumusunod sa mga paalala ng kanilang pamunuan.
Aniya, kabilang sa mga gabay na ibinigay sa kanya ay ang pagtuon lamang sa mga isyu sa loob ng Bangsamoro Autonomous Region at pag-iwas sa pakikialam sa mga usapin ng national government.
Dagdag pa ni Ali, pinayuhan din siyang huwag magbanggit ng pangalan o manira ng kapwa, at sa halip ay ituon ang mga pahayag sa katotohanan at aktuwal na pangyayari sa rehiyon.
Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng pagiging rasyonal o “be rational” sa mga inilalabas na pahayag—na dapat ay may sapat na batayan at ebidensya, at hindi nadadala ng emosyon.
Ibinahagi rin ni Ali na minsan lamang siyang napagsabihan ng kanilang liderato, partikular nang mag-post siya noon na may kaugnayan sa national government, na agad naman niyang sinunod at binura.
Sa huli, iginiit ng opisyal na mananatili siyang nakatuon sa mahahalagang usapin sa Bangsamoro tulad ng implementasyon ng peace agreement, takbo ng Bangsamoro Transition Authority, at iba pang lokal na isyu.

















