Nag-alok si Kabacan Mayor Evangeline Pascua-Guzman ng P100,000 pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong magtuturo sa pagkakaaresto ng isang matandang lalaki na umano’y nanlinlang at nagdala sa isang babaeng menor de edad sa isang motel noong gabi ng Hulyo 4.
Ayon sa ulat ng Kabacan PNP, sinabi ng ina ng biktima na hinikayat ng suspek ang kaniyang anak na si alyas “Joan” na tulungan itong magbitbit ng mga gamit papasok sa isang motel. Napagtanto umano ng bata ang masamang intensyon ng lalaki at agad na nakatakas matapos tumakbo palabas ng establisimyento.
Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang mga CCTV footage sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek. Hinihikayat din ang sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan sa Kabacan PNP Hotline sa 0998-962-6030.
Samantala, muling nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga magulang na paigtingin ang pagbabantay sa kanilang mga anak habang nagpapatuloy ang imbestigasyon

















