Isang kataksilan sa mga Mujahideen, sa nakalipas, maging sa hinaharap at pangarap ng Bangsamoro. Ganito isalarawan sa isang malayang pagpapahayag sa kapulungan ng Bangsamoro Transition Authority Parliament ni Member of Parliament at MNLF Member Dr. Romeo Sema ang mga tumatanggap sa naging desisyon ng korte suprema na ihiwalay ang lalawigan ng Sulu sa rehiyon ng Bangsamoro.
Hindi nito aniya matanggap ang desisyon na mahiwalay ang lalawigan sa nakagisnan nitong rehiyon bilang kasapi ng MNLF. Sa naging madamdaming privilege speech ni Sema, sinabi nito na ang Sulu at siyang lupang sinilangan ng maraming kasapi ng MNLF at mga Tausug na nagsakripisyo ng paghahangad na mapagkaisa ang Bangsamoro.
Sinabi pa nito na hindi aniya sila makakapagsalita ng patungkol sa sakripisyo kung wala ang mga mamamayan ng Sulu na siyang pinagmulan at tahanan ng MNLF. Nanindigan naman ang mambabatas na kinailangan nitong ilabas ang sama ng loob dahil sa pagiging tahimik ng karamihan sa usapin ng Sulu na tila bagay isang pagtataksil sa mga kapatid na Tausug.
Iginiit ni Sema na kailanman ang Bangsamoro ay hindi nabuo para saluhin at tanggapin lamang ang pagkatalo bagkus hustisya aniya ang pinaglalaban nito. Sinabi rin nito na ang paglaban na muling maibalik ang Sulu at manindigan para sa mga kapatid na Tausug ay katulad na rin ng pakikipaglaban ng Bangsamoro upang makamit ang hustisya.
Sa huli, humiling ang mambabatas sa kanyang mga kasamahan na magsalita na at maghanap ng solusyon upang maibalik ang Sulu sa nakagisnan nitong rehiyon na BARMM.