Tinitignan ng Sangguniang Panlungsod ng Cotabato ang maari nilang isampang mga reklamo ukol sa disrespeto na ginawa ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao sa Session Hall ng Sangguniang Panglungsod kamakalawa.
Ayon kay Cotabato City Councilor Hunyn Abu, kinukundena nila bilang institusyon ang ginawang pambabastos sa sagradong lugar ng sanggunian ni Mayor Matabalao at tinitignan nila ang maaring magawa ng Sanggunian upang mapapanagot si Matabalao.
Aniya, pinaguusapan na ng konseho kasama ni Vice Mayor Butch Abu ang mga hakbangin upang di na maulit pa ang pananakot at panghaharass na ginagawa ni Matabalao sa konseho.
Samantala, wala aniyang katotohanan ang mga paratang ni Mayor Matabalao na dinidisrespeto ng mga konsehal ang mga ipinapatawag nito na department heads.
Ito ang sinabi ni Cotabato City Councilor Gabby Usman sabay hirit nito na kaya ang mga ito ay di dumadalo dahil sa takot itong matanong at takot itong magsumite ng mga dokumento na hinihingi ng Sangguniang Panglungsod.
Nagugat ang mga paratang ni Matabalao matapos maglabas itong statement na tila dinidisrespeto diumano ng mga nasa Sangguniang Panglungsod ang mga department heads na pinapatawag nito at ayon sa alkalde, sinisigawan, pinapahirapan at dinuduro ng mga ito ang mga ipinapatawag sa SP.