Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pasilidad na napinsala ng lindol sa lungsod at iniutos sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na pabilisin ang rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad sa Mindanao matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa rehiyon.‎‎

Bahagi ito ng patuloy na pagtugon ng pambansang pamahalaan sa kalamidad upang matiyak ang agarang paghahatid ng tulong, pagpapanumbalik ng mahahalagang imprastraktura, at kaligtasan ng mga apektadong residente.‎‎

Nauna nang kinumpirma ng Malacañang na inatasan ng Pangulo ang mga ahensya ng gobyerno na agad tugunan ang pangangailangan ng mga komunidad na naapektuhan ng lindol at tiyakin ang mabilis na pagpapatupad ng mga relief at recovery measures.‎‎

Kasama ng Pangulo sa pagbisita sina Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, General Santos City Mayor Lorelie Pacquiao, at St. Elizabeth Hospital Chief Executive Officer Tony Veneracion.‎‎

Bilang bahagi ng pinagsamang pagtugon ng pamahalaan, patuloy na mino-monitor ni SAP Anton Lagdameo ang relief operations at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya upang matiyak ang maayos at mabilis na paghahatid ng tulong sa mga apektadong pamilya at lokal na pamahalaan sa buong Mindanao.

‎‎Unang binisita ng Pangulo ang St. Elizabeth Hospital, isa sa mga pangunahing pagamutan na nagtamo ng pinsala dahil sa lindol. Sinuri niya ang lawak ng pinsala sa istruktura ng ospital at nakipagpulong sa mga opisyal nito at lokal na awtoridad hinggil sa kinakailangang rehabilitasyon.‎‎

Sinuri rin ng Pangulo ang dalawang pampublikong paaralan na napinsala ng lindol: ang Romana Acharon Central Elementary School sa Purok Cahilsot Village at ang General Santos National High School sa Barangay Calumpang.‎‎

Ayon sa DepEd, layunin ng Pangulo na mapabilis ang assessment ng mga nasirang pasilidad at agad maisagawa ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak na ligtas na makababalik sa kani-kanilang mga paaralan ang mga mag-aaral.‎‎

Bukod sa mga programang rehabilitasyon, naglaan din ang pambansang pamahalaan ng P100 milyon para sa pagkukumpuni at pagsasaayos ng General Santos City Hall na kabilang sa mga nasirang gusali dahil sa lindol. Nagbigay rin ang gobyerno ng P50,000 na tulong-pinansyal para sa pamilya ng bawat nasawing biktima ng kalamidad.‎‎

Sa pamamagitan ng DSWD, makatatanggap naman ng P15,000 na ayuda ang mga kwalipikadong residenteng naapektuhan ng lindol upang makatulong sa kanilang pagbangon.‎‎

Magkakaloob din ng financial assistance sa mga apektadong pamilya sa lalawigan ng Sarangani bilang bahagi ng mas malawak na programa ng rehabilitasyon at recovery ng pamahalaan sa rehiyon.‎‎

Matapos ang mga inspeksyon, nagtungo ang Pangulo sa General Santos City Oval Plaza kung saan namahagi ng tulong ang pamahalaan sa mga apektadong residente sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.‎‎

Patuloy na nagsasagawa ng damage assessment ang mga ahensya ng gobyerno sa mga apektadong lugar habang pinakikilos ang mga kinakailangang resources para sa relief, rehabilitasyon, at iba pang recovery programs.‎‎

Tiniyak ng pambansa at lokal na pamahalaan sa mga residente na mananatiling prayoridad ang pagbibigay ng tulong, pagkukumpuni ng mga imprastraktura, at iba pang hakbang para sa pagbangon ng Mindanao mula sa pinsalang idinulot ng lindol.