Posibleng mauwi sa re-enacted budget ang gamitin ng Cotabato City Government ngayong 2025 kung sakaling di matugunan ng Sangguniang Panlungsod o SP ang panukalang budget ng siyudad para sa taong kasalukuyan.
Ayon kay Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, Oktubre 2024 pa lamang ng makapagsumite na ang kanyang tanggapan ng budget proposal ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring kongkretong hakbang ang SP.
Aniya, mayroong mga hinihinging papeles ang SP na hindi maaring ibigay ng ehekutibo dahil di naayon sa batas ang mga kahilingan at labas na sa usapin ng 2025 Budget ang mga hinihinging dokumento.
Maari rin aniya na mabalam ang mga programa at proyekto kung re-enacted ang pondo o budget na gagamitin ng lokal na pamahalaang lungsod, kabilang na aniya ang dagdag sahod para sa dalawang libong kawani ng CLGU at ang pagpapatayo ng SP Building maging ang pampublikong libingan para sa mga Muslim.
Gayunman, tiniyak ni Matabalao na sa gitna ng mga unos na ito ay tuloy pa rin ang kanilang serbisyo sa mga mamamayan ng lungsod at Cotabateño.