Tinalakay na ng 18th Sangguniang Panlungsod ng Cotabato ang panukalang ordinansa na layong higpitan at i-regulate ang operasyon ng mga payong-payong at habal-habal sa lungsod, kasunod ng mga reklamong sobra-sobrang paniningil ng pamasahe ng ilang tsuper.

Ayon kay Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, kasalukuyan nang dinidinig ng konseho, sa pangunguna ni Vice Mayor Johair Madag, ang naturang ordinansa. Layunin nitong bigyan ng konkretong solusyon ang mga matagal nang hinaing ng mga pasahero ukol sa overcharging.

Kabilang din sa mga probisyon ng panukala ang pagtalaga ng mga partikular na ruta para sa bawat payong-payong at habal-habal sa antas ng barangay. Sa oras na maipasa ang ordinansa, mahigpit nang ipapatupad ang pagbabawal sa mga driver na lumagpas sa kanilang nakatalagang ruta, at maaaring hulihin ng pulisya ang sinumang lalabag dito.

Ikinatuwa naman ni Mayor Matabalao ang aktibong pakikilahok ng Liga ng mga Barangay sa Cotabato City sa pagtutok sa naturang usapin, na aniya’y malaking tulong upang maisakatuparan ang layuning ayusin ang sistema ng pampasaherong transportasyon sa lungsod.