Naniniwala ang Moro Islamic Liberation Front o MILF na ang susunod na yugto ng pagpapatupad ng 2014 Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB ay nakatuon na sa pamamahalang sibilyan at pagpapalakas ng mga institusyon.
Ito ang binigyang-diin ni MILF Peace Implementing Panel Chair Mohagher Iqbal kasabay ng pag-welcome niya sa pagkakatalaga ni Mel Senen Sarmiento bilang bagong kalihim ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU.
Ayon kay Iqbal, ang pagpapatupad ng natitirang bahagi ng kasunduan ay hindi na lamang usaping pangseguridad kundi isang gawaing sibilyan na nangangailangan ng malawak na karanasan sa pamamahala.
Aniya, mahalaga ang karanasan ni Sarmiento sa lokal at pambansang pamahalaan, gayundin sa koordinasyon sa pagitan ng pambansang gobyerno at ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Pinalitan ni Sarmiento si dating OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr., na kamakailan lamang ay nagbitiw sa puwesto.
Si Sarmiento ay isang beteranong lingkod-bayan na nagsilbi bilang kongresista ng unang distrito ng Samar, alkalde at bise alkalde ng Calbayog City, at naging kalihim din ng Department of the Interior and Local Government.
Binigyang-diin ni Iqbal na bagama’t nakamit na ang mahahalagang tagumpay tulad ng pagpapatibay ng Bangsamoro Organic Law at pagsisimula ng decommissioning ng mga dating mandirigma ng MILF, marami pang mahahalagang hakbang ang kailangang tapusin.
Kabilang dito ang pagpapatuloy ng normalization process, pagpapalakas ng kakayahang piskal at pamamahala ng BARMM, pagtiyak ng kapani-paniwala at mapayapang parliamentary elections, at paghahatid ng kaunlaran sa mga komunidad na naapektuhan ng sigalot.
Iginiit ni Iqbal na handa ang MILF na ipagpatuloy ang buong pakikipagtulungan sa pamahalaan upang maisakatuparan ang lahat ng natitirang obligasyon sa ilalim ng kasunduang pangkapayapaan.
Aniya, ang kinabukasan ng Bangsamoro ay nakasalalay sa matagumpay na pagtatapos ng mga nasimulan sa ilalim ng CAB.

















