Sumailalim sa drug test si Senador Juan Miguel Zubiri kasama ang kanyang 35 staff sa loob mismo ng Senado nitong Lunes.

Ayon sa senador, layunin nitong ipakita na dapat maging “drug free” ang Senado, matapos pumutok ang isyu na may isang staff umano ng senador na nahuling gumagamit ng marijuana sa loob ng palikuran ng nasabing gusali.

Kumuha ng urine samples si Zubiri at ang kanyang mga staff para sa isinagawang drug test ng Senate Medical Bureau, na accredited para magsagawa ng pagsusuri laban sa marijuana, shabu, ecstasy, opium at cocaine.

Dagdag pa ni Zubiri, umaasa siyang magsisilbi silang halimbawa upang matiyak na walang bisyo na makapapasok at makasisira sa integridad ng Senado.