Napatay ang sub-lider ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group o DI-HG at apat nitong kasamahan sa isinagawang operasyon ng militar sa Barangay Inug-ug, Pikit, Cotabato kahapon Agosto 6.
Kinilala ni Lt. Col. Erwin Jay E. Dumaghan, commander ng 40th Infantry Battalion, ang mga nasawi na sina Marhom Esmael o alyas “Marhom,” na sinasabing sub-lider ng DI-Hassan Group, kasama sina Ameer Hassan, Asnawi Sansawi Usman, isang alyas “Ali,” at isa pang hindi pa nakikilalang indibidwal.
Ayon sa militar, si alyas Marhom ay nahaharap sa ilang kasong kriminal, kabilang ang murder, frustrated murder, at robbery with violence against or intimidation of persons.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng 40th Infantry Battalion, 601st Infantry Brigade, 602nd Infantry Brigade, iba pang yunit ng 6th Infantry “Kampilan” Division, at ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office. Nauwi ito sa armadong engkuwentro na ikinasawi ng limang hinihinalang miyembro ng DI-Hassan Group.
Nagpapatuloy naman ang clearing operations sa lugar kung saan narekober ng mga tropa ang dalawang M16A1 caliber 5.56 millimeter rifles at tatlong short magazines na isasailalim sa pagsusuri.
Sinabi naman ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Acting Commander ng Western Mindanao Command, Commander ng 6th Infantry “Kampilan” Division, at Joint Task Force Central, na patunay ang naturang operasyon ng patuloy na kampanya ng militar laban sa mga natitirang miyembro ng mga lokal na teroristang grupo. Hinimok din nito ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon upang mapigilan ang anumang banta sa kapayapaan at seguridad.

















