Nasakote ng mga awtoridad ang isang lalaking kabilang sa Top 10 Most Wanted Persons sa antas panlalawigan sa isinagawang manhunt operation sa Barangay Katananayan, Carmen, Cotabato nitong Martes ng hapon, April 28.
Bandang alas-4:15 ng hapon nang maaresto ang suspek na kinilalang si alyas “Ros,” 52-anyos, sa pinagsanib na operasyon ng Carmen Municipal Police Station, Cotabato Police Provincial Office–Provincial Intelligence Unit, 2nd Cotabato Provincial Mobile Force Company, at CIDG Region 12 North Cotabato Provincial Field Unit.
Nahaharap ang suspek sa kasong statutory rape sa paglabag sa Article 266-A ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act 11648.
Matapos ipabatid sa kanya ang kanyang mga karapatang konstitusyonal, isinailalim ang akusado sa booking procedure at medical examination.
Kasalukuyan na itong nasa kustodiya ng Carmen Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at commitment proceedings.
Pinuri naman ni Cotabato Police Provincial Office Acting Director, Police Colonel Ramel B. Hojilla, ang matagumpay at maayos na koordinasyon ng mga operatiba na humantong sa pagkakaaresto sa isa sa mga pinakatinutugis na indibidwal sa lalawigan.
Ayon kay Hojilla, patunay ito ng patuloy na dedikasyon ng kapulisan sa pagpapatupad ng batas, paghahatid ng hustisya, at pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko.

















