‎‎UBJP accreditation, nakabinbin pa rin sa COMELEC‎‎

Nananatiling nakabinbin ang accreditation ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP mula sa Commission on Elections para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.‎‎

Hanggang sa pagpasok ng buwan ng Mayo, wala pang inilalabas na pinal na desisyon ang COMELEC hinggil sa aplikasyon ng UBJP sa kabila ng pagsunod umano nito sa mga kinakailangang dokumento.‎‎

Dahil dito, nananatiling hindi tiyak ang partisipasyon ng UBJP sa halalan, lalo’t kinakailangan ang ganap na accreditation upang makapaghain ng mga kandidato sa parliamentary race.‎‎Bahagi ang pagkaantala sa mas malawak na re-accreditation process na ipinapatupad ng COMELEC para sa lahat ng political parties sa rehiyon bago ang halalan sa 2026.

‎‎Layunin ng nasabing proseso na tiyakin ang pagsunod ng mga partido sa mga umiiral na regulasyon at ma-standardize ang kanilang eligibility sa paglahok sa eleksyon.‎‎

Samantala, naging mas kumplikado ang pagproseso ng ilang aplikasyon dahil sa mga legal na hamon at petisyon laban sa ilang grupo, kabilang na rin ang mga naiulat na internal na isyu sa loob ng UBJP.‎‎

Sa ngayon, wala pang inilalabas ang COMELEC na kumpleto at pinal na listahan ng mga accredited na political parties para sa halalan sa BARMM.‎‎

Nagsimula na ang electoral calendar ng rehiyon noong Abril 7 na siyang deadline ng aplikasyon para sa accreditation ng mga regional parliamentary political parties.‎‎

Sinundan ito ng party conventions noong Abril 29 habang magtatapos naman sa Mayo 7 ang paghahain ng certificates of candidacy.‎‎

Itinakda ang election period sa Hulyo 16 at ang pagsisimula ng campaign period sa Hulyo 30, kung saan ipagbabawal ang pangangampanya sa bisperas ng halalan sa Setyembre 13.‎‎

Gaganapin ang mismong halalan sa Setyembre 14, 2026, na siyang kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon.‎‎

Matapos ang botohan, kinakailangang magsumite ang mga kandidato ng kanilang Statements of Contributions and Expenditures o SOCE hanggang Oktubre 14.‎‎

Ang naturang halalan ay magsisilbing mahalagang yugto sa transisyon ng pamamahala mula sa Bangsamoro Transition Authority patungo sa isang halal na parlamento sa ilalim ng bagong sistemang pampulitika.‎‎

Tinuturing din itong mahalagang bahagi sa implementasyon ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front.‎