Nagsumite na sa Commission on Elections (COMELEC ) ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) ng kanilang Sworn List of Authorized Signatories bilang bahagi ng paghahanda para sa Bangsamoro Parliamentary Elections.
Ayon kay UBJP spokesperson Mohajirin Ali, kinakailangan ang nasabing listahan para sa accreditation ng mga Regional Parliamentary Political Parties (RPPP). Aniya, hanggang Abril 30, 2026 ang itinakdang deadline para sa pagsusumite nito.
Ipinaliwanag ni Ali na ang mga nasa listahan ang may awtoridad na pumirma sa Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) ng mga kandidato ng partido. Dagdag pa niya, kinakailangan ding personal na humarap sa poll body ang mga opisyal ng partido na may kaugnayan sa proseso.
Samantala, sinabi ni UBJP President Al Haj Murad Ebrahim na mahalaga ang kanilang paglahok sa halalan dahil ito ay bahagi ng makasaysayang pakikibaka ng Bangsamoro para sa sariling pagpapasya.
Iginiit din ni Ebrahim na ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay bunga ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), na aniya’y hindi mabubuo kung wala ang Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Kaugnay naman ng petisyong kumukwestyon sa kanilang registration bilang Regional Parliamentary Political Parties (RPPP), sinabi ni Ali na hahayaan na nila ang komisyon na magpasya rito.
Tiniyak din niyang nakapagsumite na sila ng sagot sa loob ng itinakdang panahon at kumpiyansa sila sa magiging resulta ng proseso.
Ang nasabing petisyon ay nag-aakusa sa UBJP ng umano’y paglabag sa election gun ban at pagtanggap ng foreign funding noong 2025 midterm elections.

















