Nahuli ng mga tauhan ng Wao Municipal Police Station ang isang 21-anyos na lalaki na kabilang sa Top 10 Most Wanted Person sa municipal level ng Wao, Lanao del Sur.

Kinilala ang suspek na si Henj, 21-anyos, binata, magsasaka at residente ng Purok 1, Barangay Amoyong, Wao, Lanao del Sur.

Isinagawa ang pag-aresto dakong alas-6:40 ng gabi kahapon Agosto 7 sa Barangay Bu-ot, Wao, Lanao del Sur, matapos ang ilang araw na intelligence-driven operations ng Wao MPS Tracker Team.

Arestado ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong theft o pagnanakaw, na nakapaloob sa Article 308 ng Revised Penal Code, sa ilalim ng Criminal Case No. 26-1107-W.

Inisyu ang warrant noong Agosto 4, 2026 ni Hon. Fatima Bato Berua, Presiding Judge ng Municipal Circuit Trial Court, 12th Judicial Region, Wao-Bumbaran, Lanao del Sur, na walang inirekomendang piyansa.

Ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pag-aresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal gamit ang wikang kanyang nauunawaan.

Dinala muna ang suspek sa Wao District Hospital para sa medical examination bago isinailalim sa dokumentasyon at detention sa Wao MPS.

Inaasahang ihaharap ang suspek sa korte na naglabas ng warrant para sa kaukulang commitment order.