Dumalo ang Western Mindanao Command (WestMinCom) sa pamumuno ni Brigadier General Romulo Quemado II, Acting Commander, sa 3rd Regional Joint Security Control Center (RJSCC) Conference kaugnay ng paghahanda para sa Bangsamoro Parliament Election (BPE) 2025 na ginanap sa Bongao, Tawi-Tawi noong Setyembre 10, 2025.

Pinangunahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagpupulong katuwang ang mga kinatawan ng security forces at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang pagtibayin ang koordinasyon at masiguro ang ligtas at maayos na pagsasagawa ng kauna-unahang halalan para sa Bangsamoro Parliament.

Tinalakay sa naturang pagpupulong ang mga hakbang sa pagpapatatag ng seguridad, pagpapalakas ng ugnayan ng iba’t ibang ahensya, at pagtutok sa mga posibleng banta tulad ng matinding alitan sa pulitika, presyur mula sa ilang elemento ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), mga decommissioned combatants, rido o awayang angkan, at ang lokasyon ng mga botohan sa mga lugar na may kontrol ng MILF.

Binigyang-diin ni COMELEC Commissioner Aimee Ferolino ang kahalagahan ng maagap na paghahanda at pagbibigay ng praktikal na solusyon sa mga nakikitang suliranin. Aniya, kinakailangan ang pagpapanatili ng mga epektibong praktis at ang pagsasaayos sa mga nakitang kahinaan upang masiguro na ang darating na halalan ay tunay na magpapakita ng kagustuhan ng taumbayan.

Samantala, iginiit ni Brig. Gen. Quemado na dapat ilatag ang lahat ng posibleng hakbang upang maiwasan ang pagkabigo ng eleksyon. Binanggit niya na ang tagumpay at kredibilidad ng halalan ay nakasalalay sa sama-samang responsibilidad ng lahat ng sektor. Tiniyak din niya na nakahanda ang WestMinCom na gampanan ang kanilang tungkulin at nananatiling karangalan para sa kanilang hanay na maging bahagi ng makasaysayang kaganapang ito sa Bangsamoro. Dagdag pa niya, mananatili ang WestMinCom sa mahigpit na koordinasyon sa mga katuwang na ahensya at susunod sa lahat ng direktiba upang matiyak ang maayos na pagdaraos ng eleksyon.

Dumalo rin sa pagpupulong sina Commodore Richard Marfe, Acting Commander ng Coast Guard District BARMM, at Police Brigadier General Jaysen De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office BAR.

Nagkaroon ng open forum pagkatapos ng conference kung saan mas napalalim ang talakayan, nakapagbahagi ng pananaw, at naisaayos ang mas konkretong estratehiya laban sa mga hamon ng seguridad at operasyon.

Sa nalalapit na halalan, muling pinagtibay ng WestMinCom ang kanilang pangako na protektahan ang proseso ng eleksyon upang matiyak na ito ay magiging mapayapa, kapani-paniwala, at tunay na sumasalamin sa kalooban ng mamamayang Bangsamoro.

Via Western Mindanao Command, AFP