Naghahanda na ang Siargao, Surigao del Norte sa pagdating ng mga world-class surfers na susubok sa sikat na alon ng Cloud 9 para sa World Surf League Philippines Pro Championship Tour, na gaganapin mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 10 ngayong taon.
Ito ang unang pagkakataon na magho-host ang Pilipinas ng prestihiyosong surfing competition, kung saan dadalo ang ilan sa mga pinakamahusay na surfers mula sa iba’t ibang bansa at magpapakitang gilas sa kilalang reef break ng Siargao Islands.
Inaasahang magiging sentro ng kompetisyon ang Cloud 9, isa sa pinakasikat na surfing destinations ng bansa, kung saan haharapin ng mga atleta ang naglalakihang alon at mahirap na kondisyon ng karagatan.
Pangungunahan ang men’s division ni Brazilian surfer Yago Dora, ang kasalukuyang World No. 1, na magtatangkang ipakita ang kanyang consistency laban sa ilan sa pinakamalalakas na surfers sa mundo.
Kabilang din sa mga sasabak ang mga dating World Champions na sina Gabriel Medina at Italo Ferreira, na parehong mula sa Brazil at kilala sa kanilang agresibo at kahanga-hangang istilo sa surfing.
Para sa Siargao at Surigao del Norte, inaasahang magiging malaking oportunidad ang international competition upang higit pang makilala sa buong mundo ang Cloud 9 at ang surfing culture ng isla, habang makatutulong din ito sa pagpapalago ng lokal na turismo at sa pagpapalakas ng imahe ng Pilipinas bilang destinasyon para sa mga world-class surfing event.














