Nasawi ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa kahabaan ng national highway sa Barangay Poblacion, Buluan, Maguindanao del Sur kagabi, Abril 20, 2026.

Kinilala ang biktima na si alyas Abdul 65-anyos, may asawa, at isang government employee na residente ng Tacurong City, Sultan Kudarat.

Batay sa paunang imbestigasyon, nakatayo umano ang biktima sa harap ng isang tindahan nang bigla na lamang siyang pagbabarilin ng mga suspek gamit ang hindi pa matukoy na uri ng baril.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib at likod ang biktima na agad isinugod ng mga concerned citizens sa Buluan District Hospital, ngunit idineklara ring dead on arrival ng attending physician.

Agad namang tumakas ang mga salarin patungo sa hindi pa matukoy na direksyon matapos ang insidente.

Rumesponde ang mga tauhan ng Buluan Municipal Police Station, kasama ang iba pang pwersa ng pulisya, kung saan agad na sinigurado ang lugar ng krimen at nagsagawa ng hot pursuit at dragnet operations laban sa mga suspek.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa krimen at makilala ang mga responsable sa pamamaril.