Nagtipon ang tinatayang 1,000 volunteers para sa World Rivers Day 2026 at paglulunsad ng Save the Rivers of Cotabato City Movement kahapon Setyembre 27.

Pinangunahan ni City Councilor Atty. Anwar A. Malang ang inisyatiba na nilahukan ng higit 60 organisasyon at ahensya, kabilang ang mga regional offices, tanggapan ng Cotabato City Government, civic groups, law enforcement agencies at iba pang sektor.

Matapos ang launching sa City Plaza, nagsagawa ng Alay Lakad para sa River bago ang cleanup drive sa mga lugar malapit sa Manday Bridge at Washington Bridge.

Tumagal nang halos tatlong oras ang paglilinis, habang nagsagawa rin ng house-to-house information campaign ang mga kabataan para ipaliwanag sa mga riverside household ang tamang pagtatapon ng basura.

Gayunman, nakita ng mga volunteer ang malaking dami ng basurang naipon sa waterways, kaya binigyang-diin ng organizers na hindi sapat ang isang cleanup activity lamang para matugunan ang problema.

Batay sa July 2026 assessment sa ilang bahagi ng Bagua River, naitala rin ang solid waste, wastewater discharge, silt buildup at mga obstruction.

Iginiit ng organizers na kailangang sabayan ang regular na cleanup ng tamang waste disposal at pangmatagalang pangangalaga sa mga ilog at creek ng lungsod.