Boluntaryong sumuko ang sampung dating miyembro ng mga lokal na violent extremist group sa 90th Infantry Battalion (Bigkis-Lahi) sa Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur noong Pebrero 10, 2026, kasabay ng pagsuko ng sampung matataas na kagamitang pandigma kabilang ang dalawang 60mm mortar.

Kinumpirma ni Lt. Col. Loqui O. Marco, commanding officer ng 90IB, na nagpasya ang mga dating armado na talikuran ang karahasan matapos umanong mapagtantong walang malinaw na direksyon at kinabukasan ang armadong pakikibaka.

Pormal na iniharap ang mga sumuko kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng militar laban sa ekstremismo sa Central Mindanao.

Bilang tulong sa kanilang pagbabalik sa lipunan, tumanggap ang mga dating ekstremista ng cash assistance, livelihood support at bigas mula sa Ministry of Public Order and Safety–BARMM at sa mga lokal na pamahalaan ng Shariff Aguak, Datu Saudi Ampatuan, Datu Unsay, Datu Hoffer at Datu Abdullah Sangki.

Ayon kay Brig. Gen. Catu, ang pagbabalik-loob ng mga dating armado ay patunay na may puwang para sa pagbabago at kapayapaan sa kabila ng mahabang sigalot sa rehiyon.

Nagpaabot din ng mensahe si Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, na ang naturang pagsuko ay tagumpay hindi lamang ng pamahalaan kundi ng buong komunidad na nagnanais ng katahimikan at kaayusan sa Bangsamoro region.