Arestado sa pinagsanib na pwersa ng Cotabato Police Provincial Office o CPPO ang isang Most Wanted Person na kabilang sa Top 10 Regional Level, Top 10 Provincial Level, at Top 3 Municipal Level Most Wanted Person ng PRO-12 sa isinagawang anti-drug manhunt operation sa bayan ng Magpet, Cotabato.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165, partikular sa Section 11, Article II na may kaugnayan sa illegal possession of dangerous drugs. May inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng Php200,000 para sa pansamantala nitong kalayaan.
Isinagawa ang operasyon noong Mayo 11, 2026 sa Purok Mabuhay, Barangay Tagbac, Magpet, Cotabato matapos makatanggap ng beripikadong impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pinagtataguan ng akusado.
Sa pamamagitan ng manhunt operation, matagumpay na nadakip ang suspek at agad na ipinaalam dito ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto gayundin ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine.
Sa pahayag ni PCOL Ramel B. Hojilla, Acting Provincial Director ng CPPO, ipinapakita umano ng matagumpay na operasyon ang patuloy na kampanya ng kapulisan laban sa mga wanted persons sa lalawigan.
Dagdag pa ni Hojilla, hindi titigil ang kapulisan hangga’t hindi napapanagot sa batas ang lahat ng mga nagkasala upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng komunidad sa Cotabato.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaukulang proseso sa korte.

















