Boluntaryong isinuko ang 11 high-powered firearms o HPFAs sa 601st Infantry Unifier Brigade ng 6th Infantry Kampilan Division ng Philippine Army sa Talitay, Maguindanao del Norte.
Isinagawa ang turnover ceremony sa munisipyo ng Talitay sa pamamagitan ng koordinasyon ng 1st Mechanized Lakan Battalion sa pamumuno ni Lieutenant Colonel William G. Sabado at ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Sidik S. Amiril.
Nagpasalamat naman si 601st Infantry Brigade Commander Brigadier General Gremel B. Brual sa mga barangay, LGU Talitay at iba pang lokal na stakeholders sa kanilang suporta sa mga programa ng pamahalaan laban sa karahasan.
Binigyang-diin ni Brual na nagpapakita ang boluntaryong pagsuko ng mga armas sa kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at komunidad para sa mas ligtas at mapayapang pamayanan.
Patuloy namang paiigtingin ng Brigade ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, barangay at iba pang katuwang na sektor upang suportahan ang mga hakbang para sa pangmatagalang kapayapaan, seguridad at katatagan sa kanilang Area of Responsibility.
Bahagi ang turnover ng patuloy na pagsisikap ng Philippine Army at mga lokal na katuwang na mabawasan ang presensya ng loose firearms at mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa mga komunidad.

















