Isang 14-anyos na dalagita ang nasawi matapos niyang isakripisyo ang sariling kaligtasan upang mailigtas ang tatlo niyang nakababatang pinsan mula sa pag-atake ng isang king cobra o banakon habang naliligo sa ilog sa Crossing Kuda, Barangay Batian, Maitum, Sarangani Province noong Lunes, Hulyo 13.

Batay sa salaysay ng pamilya, biglang sumulpot ang makamandag na ahas habang nasa ilog ang mga bata. Agad na niyakap at hinarangan ng dalagita ang kaniyang mga pinsan upang maprotektahan ang mga ito, dahilan upang siya ang matuklaw ng king cobra sa likod.

Dahil sa tindi ng kamandag, binawian ng buhay ang dalagita bago pa man ito maihatid sa ospital. Samantala, ligtas at walang tinamong pinsala ang tatlo niyang pinsan.

Nakiramay naman si Maitum Mayor James Basquinez Reganit sa naulilang pamilya at tiniyak na sasagutin ng lokal na pamahalaan ang lahat ng gastusin sa libing bilang pagkilala sa ipinakitang kabayanihan ng dalagita.

Samantala, nanawagan ang pamilya sa publiko na itigil na ang pagpapakalat sa social media ng sensitibong video ng biktima matapos itong matuklaw, bilang paggalang sa kanilang pagdadalamhati.