Tinalakay ng mga kinatawan ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa mga magsasaka sa Upi, Maguindanao del Norte ang mga hakbang sa paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa suplay ng tubig at produksyon ng pananim.
Isinagawa ang Farmers’ Forum on El Niño noong Oktubre 8, 2026, sa Formation Center sa Upi, na dinaluhan ng mga magsas mula sa 28 barangay ng munisipalidad.
Sa naturang forum, ipinaliwanag ni Mohamad Jomar Ali, pinuno ng Institutional Development Program Unit ng National Irrigation Administration–Maguindanao Irrigation Management Office, ang mga programa ng ahensya para matugunan ang posibleng kakulangan sa tubig, kabilang ang paggamit ng solar-powered irrigation systems.
Tinalakay rin ang kahalagahan ng maayos na pagpaplano ng pagtatanim, matipid na paggamit ng tubig, at regular na pagsubaybay at pagpapanatili ng mga pasilidad ng irigasyon upang mabawasan ang posibleng pagkalugi sa agrikultura.
Nagbahagi rin ng impormasyon tungkol sa lagay ng panahon at mga posibleng epekto ng El Niño si Gliezel D. Pedrico, Chief Meteorological Officer ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.
Layunin ng forum na mabigyan ang mga magsasaka ng impormasyon at gabay sa paghahanda sa posibleng matagal na panahon ng tagtuyot at sa pagpapanatili ng produksyon ng kanilang mga pananim.

















