Natagpuang wala nang buhay ang isang 16-anyos na binatilyo sa baybayin ng Barangay Basakan, Hadji Mohammad Ajul, Basilan nitong umaga ng Huwebes, Mayo 28, 2026, matapos umano itong malunod sa insidente ng pagtaob ng sinasakyang bangka.
Kinilala ang biktima na si Al-kabil I. Adjarae, residente ng Barangay Manalipa, Zamboanga City.
Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-10:50 ng umaga nang personal na magtungo sa Hadji Mohammad Ajul Municipal Police Station ang isang concerned citizen upang i-report ang pagkakadiskubre sa bangkay sa tabing-dagat ng nasabing lugar.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng pulisya at nagtungo sa lugar kung saan kanilang natagpuan ang biktima na nakasuot ng long-sleeve jersey at itim na shorts.
Batay sa paunang pagsusuri sa kondisyon ng katawan, pinaniniwalaang nalunod ang biktima.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na magkasamang sakay ng isang motorboat ang biktima at ang kanyang pinsan nang tumaob ito dahil sa malalakas na alon dulot ng masamang panahon.
Nakaligtas ang kanyang pinsan, subalit nawawala ang biktima hanggang sa matagpuan itong wala nang buhay sa baybayin.
Lumalabas sa imbestigasyon na aksidente ang insidente at sanhi ito ng masamang lagay ng panahon at malalakas na alon na nagresulta sa pagtaob ng bangka.
Nakipag-ugnayan ang pulisya sa Basilan Provincial Forensic Unit para sa Scene of the Crime Operatives assistance, subalit hiniling ng kaanak ng biktima ang agarang pagkuha at pagpapalabas ng bangkay alinsunod sa batas, kaugalian, at Islamic Tradition.
Kasunod nito, maayos na naiturn-over ang labi ng biktima sa kanyang tiyuhin sa presensya ng mga opisyal ng Barangay Basakan.

















