Kinumpirma ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno na kinuha ng estudyanteng suspek mula sa sasakyan ng kaniyang ama na Customs Police chief ang dalawang baril na ginamit sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University junior high school building nitong Martes, Agosto 18, na ikinasawi ng dalawang estudyante kabilang ang mismong suspek at ikinasugat ng anim na iba pa.

Ayon sa BOC chief, madalas gamitin ng ama ng suspek, na si Lt. Lars Jalandi, ang sasakyan para ihatid ang kaniyang anak sa eskwelahan, subalit noong araw na mangyari ang shooting incident, ang driver ng kaniyang ama ang naghatid sa bata.Astronomy

Nasa loob aniya ng sasakyan ang dalawang baril, na parehong kinuha ng suspek papasok ng campus.

Base sa inisyal na ulat, ginamit ng shooter ang rifle sa pamamaril habang ang pistol naman ang ginamit nito sa pagbaril sa sarili.

Ayon naman kay Nepomuceno, aalamin nila kung ano ang tunay na nangyari sa loob ng sasakyan kung dito ba itinatago ang mga baril at kung madali lamang ma-access o makita ang mga ito.

Hindi rin aniya malinaw sa ngayon kung naturuan noon ang suspek sa paggamit ng baril.

Matatandaang matapos ang shooting incident, agad na sinibak sa pwesto ang ama ng suspek habang gumugulong ang imbestigasyon para malaman kung paano napunta sa kamay ng kaniyang anak ang mga inisyung baril ng gobyerno. Ang isa kasi sa ginamit na baril ay isang service firearm na pagaari ng BOC na ibinigay kay Lt. Jalandi habang ang isa naman ay personal niyang pagaari.

Ayon kay Nepomuceno, bilang isang public official dapat mas naging maingat siya sa pagtatago ng baril at hindi ma-access ng kaniyang mga anak.

Sa kabila nito, dinipensahan ni Commissioner Nepomuceno ang Customs Police chief na isang mabuting opisyal subalit bagamat wala aniya itong direktang kinalaman sa pamamaril, kailangan aniya itong imbestigahan kung paano nakuha ng kaniyang anak ang mga baril.