Dalawang katao ang binawian ng buhay sa isang vehicular accident na kinasangkutan ng motorsiklo at isang light commercial vehicle sa kahabaan ng Davao-Cotabato National Highway sa Barangay Kilada, Matalam, Cotabato kahapon, Linggo ng hapon, Mayo 31.
Batay sa ulat ng Matalam Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong alas-2:15 ng hapon at kinasangkutan ng isang Honda ADV160 motorcycle at isang Toyota Town Ace.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi na sina Badrudin, 25-anyos, residente ng Tamontaka II, Cotabato City, na siyang nagmamaneho ng motorsiklo, at ang kanyang kasama na si Samerah, 25-anyos, residente ng Sultan Kudarat, Maguindanao.
Sa paunang imbestigasyon, magkasunod na binabagtas ng dalawang sasakyan ang bahagi ng national highway patungong Kabacan nang mawalan umano ng kontrol ang motorsiklo sa lugar na may hindi pantay na aspalto at madulas na bahagi ng kalsada.
Dahil dito, natumba ang motorsiklo at tumilapon sa kalsada ang rider at kanyang kasama.
Ayon sa pulisya, hindi na naiwasan ng kasunod na Toyota Town Ace ang mga biktima na nasa kalsada, na nagresulta sa matinding pinsala sa kanila.
Agad na rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng Matalam at isinugod sa ospital ang rider subalit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Ang kanyang kasama naman ay binawian ng buhay sa mismong lugar ng insidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Matalam Municipal Police Station upang matukoy ang iba pang pangyayari at mga salik na may kaugnayan sa aksidente.
















