Patay ang dalawang katao habang dalawa pa ang sugatan matapos ang pamamaril na naganap bandang alas-6:45 ng umaga noong Abril 21, 2026 sa Purok 3, Barangay Muntay, Kolambugan, Lanao del Norte.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Kolambugan Municipal Police Station, bigla umanong pinaputukan ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang dalawang babaeng biktima na nagjo-jogging sa gilid ng kalsada. Habang tumatakas, patuloy na nagpaputok ang mga salarin at nadamay pa ang dalawang sibilyan sa kanilang dinaanang ruta patungo sa Barangay Rebucon Bridge.

Agad na isinugod sa Kolambugan Provincial Hospital ang mga biktima, subalit dalawa ang idineklarang dead on arrival, habang ang dalawa pa ay patuloy na ginagamot sa magkahiwalay na pagamutan.

Kaagad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang pinagsanib na pwersa ng Kolambugan MPS, RDT-LDN RIDMD, at PNP-SWAT ng Lanao del Norte Provincial Police Office. Inilunsad din ang OPLAN SHIELD na kinabibilangan ng pagtatayo ng checkpoints, pagpapalakas ng intelligence operations, at pagdeploy ng mga imbestigador upang matukoy at maaresto ang mga suspek, gayundin ang mabawi ang ginamit na armas.

Nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa maayos na pagproseso ng crime scene at pangangalap ng ebidensya.

Tiniyak ng Lanao del Norte Police Provincial Office na patuloy nilang tututukan ang kaso at gagawin ang lahat upang mapanagot ang mga salarin. Nanawagan din ang pulisya sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa mabilis na pagresolba ng insidente.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pulisya sa mga pamilya ng mga nasawi at muling tiniyak ang kanilang pangako na mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan.