Nagkaroon ng vehicular incident na kinasasangkutan ng isang marked police vehicle at isang sports utility vehicle (SUV) sa Barangay Moncado Colony, Marawi City, Lanao del Sur kahapon ng umaga, Mayo 27, 2026.‎‎

Ayon sa ulat ng Marawi City Police Station, naganap ang insidente bandang alas-9:30 ng umaga sa kahabaan ng Osmeña Street sa naturang barangay.‎‎

Sa paunang imbestigasyon, minamaneho ng isang pulis na nakatalaga sa Regional Civil Engineering Unit ng Police Regional Office-Bangsamoro ang isang marked Toyota Hilux nang mangyari ang insidente.‎‎

Batay sa imbestigasyon, habang binabaybay ng naturang sasakyan ang Osmeña Street at papalapit sa isang interseksyon, bigla umanong tumawid ang isang Toyota SUV na minamaneho ng isa pang motorista, dahilan upang magbanggaan ang dalawang sasakyan.‎‎

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nawalan umano ng kontrol ang drayber ng police vehicle na naging sanhi ng paglihis nito sa gilid ng kalsada at pagbangga sa isang poste ng ilaw.‎‎

Nagtamo ng malaking pinsala ang parehong sasakyan bunga ng insidente.‎‎Matapos matanggap ang ulat, agad rumesponde ang mga tauhan ng Marawi City Police Station upang beripikahin ang insidente at magsagawa ng imbestigasyon.‎‎

Dinala ang dalawang sasakyan sa himpilan ng Marawi City Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon habang hinihintay ang posibleng pag-aayos ng magkabilang panig.‎