Arestado ang dalawang lalaki matapos umanong tangkain na dukutin ang isang 63-anyos na mangingisda sa Barangay Buayan, Datu Piang, Maguindanao del Sur  ngayong hapon ng Huwebes, Mayo 28, 2026.‎‎

Kinilala ang biktima na si Dhats Nok Batingcay, residente ng Barangay Magaslong, Datu Piang.

‎‎Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente bandang alas-5:40 ng hapon habang minamaneho ng biktima ang kanyang “payong-payong” at pansamantalang huminto sa gilid ng highway matapos makatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang dating barangay kagawad.‎‎

Dito umano huminto malapit sa kanya ang isang Toyota Vios, kung saan bumaba ang dalawang suspek at tinangka siyang puwersahang isakay sa sasakyan.‎‎

Nagawang makapanlaban at makatakas ng biktima bago humingi ng saklolo sa mga kalapit na residente.‎‎Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek patungong bayan ng Datu Salibo.‎‎

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Datu Piang Municipal Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Datu Salibo Municipal Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek sa nasabing bayan.‎‎

Kinilala ang mga naaresto na sina alyas Jayson, residente ng Digos City, at alyas Jobn, residente ng Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte.‎‎

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa tangkang pagdukot.

‎‎Dinala ang mga naarestong suspek sa Datu Piang Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.‎‎

Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa 38th Infantry Battalion ng Philippine Army at mga kalapit na himpilan ng pulisya kaugnay sa insidente.‎