Nalansag ng mga awtoridad ang dalawang suspek na bumaril sa fresh graduate na si Rodney Bruce matapos ang isang hot pursuit operation na humantong sa isang hostage crisis sa Barangay Magnaga, Davao De Oro, wala pang 24 oras matapos ang krimen.

Ayon kay Pantukan Municipal Police Station Chief PLTCOL Irish Hezron Parangan, natunton ang mga suspek sa isang boarding house nitong Biyernes, subalit sa halip na sumuko ay ginawang hostage ng isa sa mga suspek ang sarili nitong anak sa tapat ng Magnaga National High School upang makatakas.

Ligtas at walang nasaktan sa mabilis na negosasyon ng pulisya na nagresulta sa pagka-aresto ng dalawa, habang personal na alitan o personal grudge naman ang tinitingnang motibo sa krimen.

Nangyari ang pamamaril noong Hunyo 25, kung saan papasok na sana sa kanilang minivan ang biktima matapos magtapos ng BTLEd sa Kolehiyo ng Pantukan nang barilin ito ng apat na beses sa ulo at katawan ng mga salarin.

Himalang nakaligtas at nasa stable na kondisyon na ngayon sa ospital ang biktima, habang ang mga suspek ay nahaharap sa mga kasong frustrated murder at karagdagang demanda kaugnay ng pang-ho-hostage.