Isinuko ang 37 iba’t ibang uri ng baril sa lokal na pamahalaan ng South Upi, Maguindanao del Sur, sa ilalim ng programa ng pamahalaan na naglalayong pigilan ang pagkalat ng mga hindi lisensiyadong armas at mapanatili ang kapayapaan sa komunidad.

Isinagawa ang aktibidad sa pagtutulungan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Helen Benito-Padua, Philippine National Police, 603rd Infantry Brigade at 57th Infantry Battalion, kasama ang iba pang peace and security stakeholders.

Kasabay ng pagsuko ng mga baril, pinagkalooban din ng tulong pangkabuhayan ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa ilalim ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program upang matulungan silang magkaroon ng napapanatiling pagkakakitaan.

Ayon kay 603rd Infantry Brigade Commander Col. Manuel Leo Q. Gador, mahalaga ang hakbang na ito sa pagsusulong ng kapayapaan sa South Upi at sa buong Bangsamoro.

Layunin aniya na makilala ang bayan hindi dahil sa alitan, kundi bilang simbolo ng matagumpay na pagpapanatili ng kapayapaan.